Lakbay DokyuBata: Pagkilala sa mga Makabatang Dokumentarista ng Mindanao

KAPATAGAN, LANAO DEL NORTE — Binigyang pagkilala ang husay at dedikasyon ng mga makabatang dokumentarista mula sa Mindanao sa matagumpay na pagdaraos ng Lakbay DokyuBata 2025 noong ika-14 ng Marso 2025. Ito ay inorganisa ng National Council for Children’s Television (NCCT), katuwang ang Schools Division of Lanao del Norte, Department of Education – Region X, Kapatagan National High School (KNHS) at Lokal na Pamahalaan ng Kapatagan, Lanao del Norte.

Dinaluhan ng mga piling mag-aaral at guro mula sa Kapatagan National High School at Lanao del Norte National Comprehensive High School ang Mindanao Leg ng taunang Lakbay DokyuBata. Nakibahagi rin sa programa ang mga DokyuBata 2024 Finalists mula sa Davao City National High School sa pamamagitan ng ipinadalang mensahe ng pagbati at inspirasyon. Bahagi ng programa ang film showing, roundtable discussion kasama ang mga nagwaging Production Teams noong DokyuBata 2024, at ang pagtalakay sa Child-Friendly Content Standards (CFCS).

ED Atienza and the DokyuBata Team with DB 2024 Finalists and Winners: “Uswag” – KNHS Status Quo, Kapatagan National High School; “IDYOKasyon” – KNHS Status Quo, Kapatagan National High School; “Guso Gasa” – Lakbay-Diwa Productions, Lanao Del Norte National Comprehensive High School; “Balto” – Kalayag Productions, Davao City National High School; and “Kwentong Kamote ni Mang Toto at Batata” – Manama Productions, Davao City National High School

Pinangunahan ni Dr. Pablo B. Nisnisan, Secondary School Principal ng KNHS, at Irish Subingsubing, Supervising Adult ng KNHS Status Quo, ang pag-organisa ng programa, kasama ang pagtatanghal mula sa KNHS SPA HUNI at Sangyaw Dance Company. Ibinahagi naman ni Rotsen V. Escorial, Education Program Supervisor ng KNHS, ang pagbati ni Lanao Del Norte Schools Division Superintendent Edwin R. Maribojoc para sa mga makabatang dokumentarista ng Mindanao.

Ang Lakbay DokyuBata ay pagkilala sa mga natatanging makabatang dokumentarista na hinubog ng ating mga paaralan, saan mang bahagi ng Pilipinas. Layunin ng Lakbay DokyuBata na palalimin ang kaalaman ng kabataan sa makabuluhang media production, linangin ang paglikha ng makabatang content gamit ang CFCS, at isulong ang kanilang partisipasyon sa mga usaping panlipunan sa pamamagitan ng pag-dodokumentaryo.

Isa lamang ang Lakbay DokyuBata sa maraming programa ng NCCT na nagtataguyod ng karapatan para sa ligtas at makabuluhang media sa mga kabataan, at nagbibigay ng plataporma para sa kanilang mga boses at pagkamalikhain.

Malikhain, makabata, at naninindigan ito ang tatak DokyuBata. Pagpupugay sa mga makabatang dokumentarista mula sa Mindanao!

ED Atienza and the DokyuBata Team with Lakbay-Diwa Productions from Lanao Del Norte National Comprehensive High School

 

ED Atienza and the DokyuBata Team with KNHS Status Quo from Kapatagan National High School